Wednesday, August 12, 2009

ang bagal ng sever... excited na para bukas...

Pres. Cory Aquino: My tears came naturally by joey de leon

Wala na sa piling ng mga Pilipino,
Tinig ng awiting Mga Kababayan Ko,
At lumisan na rin noong isang Sabado,
Inang nagpalipad sa awiting Bayan Ko.
Ako’y sumasaludo, paalam Pangulo,
May isa ‘kong lihim, kay tagal itinago,
Sa lahat nang inabot kong mga namuno,
Tanging ikaw lang sa luha ko’y nagpatulo.
Marami ang nalungkot sa iyong pagyao,
Magalang ang lahat at puno ng respeto,
Nagpasalamat pa nga Kapamilya sa ‘yo,
Dahil kanilang himpilan naibalik mo.
Subalit ano itong nabalitaan ko?
Nangyari noong Lunes, a-tres ng Agosto,
Habang inililipat ang mga labi mo,
Ika’y parang nabastos sa isang TV show.

At ang napakasaklap at masakit dito,
Ang nambastos pa’y kapamilya ng anak mo,
Napanood ito ng tao at publiko,
Kakaunti na nga, ngunit lahat nahilo.
Sabi ng TV host na mainit ang ulo
Pagkakita sa video na kanyang kasalo,
“Sandali, meron akong ano… sa’ting ano…
Hindi naman sa ano,” nagkaanu-ano!
Ayon sa Internet, meron pa s’yang nasambit,
“Sana pakitanggal muna ‘yan sa’ting traffic…”
At ‘di maaalis sa iyong pag-iisip,
Ang parada ng patay ang pinaliligpit!
At dagdag pa daw ng naghahari-harian,
“I don’t think na dapat n’yong ipakita iyan…”
Nasaan naman ang paggalang, o nasaan?
Mga sinasabi natin minsa’y pag-ingatan.

At ‘di pa nangimi nang sumunod na araw,
Pinilit pa ring ginawa n’ya ay tama raw,
Mga nakarinig ‘di na nakagalaw
At ayon sa iba sila na la’y napa-wow!

“… Pero ako, totoo ‘ko eh … “, sabi kuno,
Totoo nga at totoo ring walang modo,
Pwede namang sabihin itong pa-sikreto,
Kaya’t wala na rin mga paliwanag mo.

“Kung ganyan, pakita na lang ‘yan!”, ang hamon pa,
Para bang ang prusisyon nila-“lang - lang” lang ba,
Ang pangasiwaan ay pinapili pa n’ya,
Sumunod ang himpilan, nung August 5 wala s’ya.

May mga komentong pwede nang pang-harapan,
“On camera” baga sa TV ang tawag d’yan
At kung sensitibo man ang gustong bitawan,
Pagpasok ng commercial, hintayin mo na lang.

Matutong magbaba muna ng mikropono
At saka idikta lahat ng iyong gusto,
Lagi kang mataas lahat daw takot sa ‘yo,
Ratings lang ang mababa — totoo ba ito?

The breaking news breaks your heart — at ‘yan ang bawi mo,
Nang mahalata mong sumablay ang pasok mo,
Pero sigurado ika’y maa-abswelto,
‘Di ba ikaw rin ang may-ari ng network n’yo?
Nung Hueves nag-apologize sa diario naman,
O, akala ko ba wala kang kasalanan,
Tapos ng angalan, sunod paliwanagan —
COMPLAIN before you EXPLAIN ka na naman!
O ito kaya ay isa na namang “glitch” lang,
Tulad ng “two-zero” ‘di na natin nalaman,
O ito ay maliwanag na kabobohan?
Sa tingin ng marami, mahirap lusutan.

Ang sabi ng iba — istupidong mayabang,
At giit ng iba — istupidong mayaman,
Mayaman man o mayabang ang tiyak diyan,
Napakayaman n’ya sa kaistupiduhan.

Buti pa ang apat na honor guards ni Cory —
Sina Malab, Laguindan, Rodriguez, Cadiente,
Walong oras tumayo sa ulan at viaje,
Ang lahat ay tiniis at walang sinabi.

Samantalang ikaw na may bubong sa ulo,
Komportable ka lang sa malamig na studio,
Nang kapirasong libing sa TV sumalo,
Angal at inis ang sumambulat sa iyo.

Maaari din namang pabayaan na s’ya,
Subalit ang nangyari’y mabigat talaga,
Namayapang pangulo’y huling paalam na,
‘Di mo pa pinagbigyan … hoy, nag-iisa ka!

At nais ko lang sabihin at ipagyabang
Sa mahigit na s’yam na libong tanghalian,
Sa limang pangulong sa Bulaga’y dumaan,
Kahit isa wala kaming nilapastangan.